KAHIRAPAN


Ang kahirapan ay isyu na noon pa man at noon pa man din ay isa lang ang laging sinisisi kung bakit patuloy na mas rumarami ang mahihirap. Sila ay ang mga pinuno ng bansa. Nasa maling pamamalakad nga ba nila ang pagkakamali at sila nga ba ang may kasalanan ng lahat o tayong mga Pilipino na tamad? Sabi nga, "Hindi kasalanan ang pera, nagiging kasalanan lang ito dahil sa maling paggamit" kaya hindi lang dapat isa ang ang nasisisi sa ganitong isyu.

May mga rason kung bakit silang mga mas nakatataas ay dapat sisihin at kung bakit tayo rin ay dapat masisi. Oo, nasa gobyerno ang malaking kaperahan ng bansa at alam nating lahat na laganap ang korupsyon, maling pagprayoridad ng may hawak ng pera, pagmamalabis at pagtatago ng pera ng ilan at hindi ito pinaiikot ng maayos. Ngunit minsan ba hindi sumagi sa isip natin na may mga kamalian din tayo kung bakit patuloy tayong naghihirap. Nagiging palaasa tayo sa gobyerno. Walang edukasyon, trabaho at pagkain sinisisi na natin agad sa gobyerno. Bakit hindi sa atin mismo manggaling ang pag-uugali na maging matiyaga upang matugunan ang mga pangangailangan na iyon? Gumawa tayo ng mabuting paraan upang maging kapaki-pakinabang tayo at maging isang produktibong tao. Ang hirap lang kasi sa atin, tamad tayo at mas pinaiiral natin ang inggit sa tuwing mas may nakakaangat sa atin sa buhay. Kaya kadalasan mas pinipili nalang ng iba na gumawa ng mali o kasalanan magkapera at mabuhay lang. Mayaman mas lalong nagpapayaman, mahirap mas lalong humihirap kaya walang pag-unlad ang bansa. Hindi magagawa ng isa lang ang pagbabago ng bansa. Magkaroon tayong lahat ng disiplina sa ating sarili, pagkakaunawaaan, pagtutulungan at pagkakaisa nang sa ganoon lahat tayo ay umangat, walang maghihirap dahil may kakuntentuhan na sa buhay.

Maging disiplinado tayong lahat at sabay-sabay kumilos upang maitama ang maling kaisipan ng nakararami na ang pera ay kasalanan. Tulungan muna ang sarili na labanan ang katamaran at nang sa ganoon makatulong at makagawa tayo ng mga bagay na magiging isa sa mga dahilan ng pag-unlad ng ating bansa.


Mga Komento